Article by Wilburthe Gregorio Graphics by Eline Gonzaga
November 22, 2022
Naalala mo pa ba ang kwento ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo? Alam mo pa ba ang mga naituro ng Filipino teacher mo noong nag-aaral ka pa ng Hekasi at Life and Works of Rizal?
What if, out of nowhere, naglaho ka sa mundo na parang bula at magically na-transport ka sa loob ng nobela ni Rizal bilang isa sa mga tauhan nito? Sino ang una mong lalapitan, si Crisostomo Ibarra ba o si Maria Clara? Iso-spoil mo ba sa kanila ang mga mangyayari, mananahimik ka dahil gusto mo hayaang dumaloy ang kwento, o mananatili kang tikom ang bibig dahil nakalimutan mo na ang storya? Uy, aminin!
‘Yan ang kwento ng isa sa mga patok na teleserye ngayon ng GMA Network, ang “Maria Clara at Ibarra,” na mapapanood sa mga telebisyon nationwide. Mapapanood ito tuwing 8pm - 10pm, mula Lunes hanggang Biyernes. Pwede mo rin ito mapanood sa YouTube via GMANetwork channel.
Ito ay pinagbibidahan ni Barbie Forteza bilang si “Klay,” isang millennial na nursing student. Nais niyang maiahon ang pamilya niya mula sa kahirapan, kaya’t nag-aaral si Klay ng mabuti at rumaraket siya upang maka-graduate kaagad at makapag-abroad. Mahusay na mag-aaral si Klay, ngunit may isa lamang siyang subject na hindi niya maipasa— ang Kasaysayan.
Naatasan kasi siyang mag-aral at magbasa ng Noli Me Tangere. Dahil abala si Klay sa pagtustos ng mga pangangailan ng pamilya niya, wala na siyang oras upang magbasa. Naniniwala rin si Klay na hindi naman ito magagamit sa pagiging nurse - na may iba pa siyang mas mahalagang mga gawain, kaya’t nakipagtalo siya sa kanyang propesor. Sa huli, wala siyang nagawa kundi sundin ang kanyang guro. Ngunit, hindi niya alam na dadalhin pala siya sa loob ng mundo ng nobela ni Rizal upang matuto.
Kung gusto mong balikan at muling matunghayan ang kwento ng Noli Me Tangere o ang El Filibusterismo, this is the chance! Bagamat hindi ito ang eksaktong pagkakalarawan ng mga nasabing nobela, siguradong mapupulutan mo naman ito ng aral at mage-enjoy ka pa! Gusto ko rin idagdag na inirerekumenda ito ng aking guro sa Panitikan, kaya’t kung papanoorin mo ay maaari mong sabihin na hindi ka lang basta-basta nanonood ng teleserye, ngunit ikaw rin ay nag-aaral!
Nawa’y mahikayat sana ng teleseryeng Maria Clara at Ibarra ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan, na maging interesado, magbalik-tanaw, at magbasa ng kasaysayan ng Pilipinas at mga akda ni Rizal. Ang nobelang Noli Me Tangere ay naging makasaysayan dahil ng basta di lamang, sapagkat kahit ang kwento nito ay kathang-isip lang, ang mga usapin at aral na nilalaman nito ay tiyak na nananatiling napapanahon sa ating bayan at lipunan, mapa noon, ngayon o sa malayong kinabukasan.
Opmerkingen