Illustration by Klarize Bangit
Hatinggabi, umuuwi akong pagod
nanghihinayang sa katiting na sahod
Panay aruga, tumitinding pagkayod
para sa bawat pirasong sentimo; piso
Upang makaranas ng saglitang paraiso
Walang katapusan, walang hangganan
Sa iglapang paglaho ng aking pinaghirapan
Manghihinayang-
Sa maraming sinayang na sakripisyo
Pero okay lang naman, saglitan lang naman
Para sa maginhawang rurak ng bisyo
Ngunit para saan nga ba itong paghihirap,
Na isang tronong puno ng saklap?
Isa ba talaga itong makadakilang pagsisikap,
o piitang wala sa katuwirang muli't muli lamang akong sa lupa'y isasadlak?
Para sa pusong nagigipit at mapait
wala itong katuturan
Lalo na sa harap ng hirap ng tadhanang matatalikdan
Parang matinding paratang ng Mesiya,
Sa ‘ako’ na walang kwenta
Ngunit sa kabila ng paghihirap, lumiwanag muli
Ikaw, na nagsilbing ilaw ang nagbigay sakin ng rason para tumatag at tumindig
Sa gitna ng dagat na puno ng delusyon at pighati, sa kawalan ng pag-ibig
Nar’on ka sa aking isip, walang pasubaling inaalay ang iyong kamay
Para punasan ang aking luhang matagal ko ng kinikimkim, ipinagwalang-saysay
Sa likod ng mga pangakong aking inaako:
Na ako ang magiging rason, para ika’y umahon.
Kaya’t kapag ika’y nasilayan ng lungkot at ligaya
Alalahanin mo akong idala sa gitna ng tuwa’t hiya
Para maging gabay, ilaw, at kaibigan
Na taos-pusong sasamahan ka sa walang hangganan,
at magpupunas ng iyong mga duda sa kadiliman,
Tulad ng pagsabi mo sakin sa aking isip
Kung gaano ako katindi at kalakas
Para umahon muli sa harap ng paghihirap na walang wakas.
Comments